"gabriel, gising na. maaga dapat tayo." tatay ko naman gumising sa akin ngayon.
teka, bakasyon pa diba? dapat ang gising ko, mga 10 am pa...
"hoy may enrollment ka ngayon diba? bumangon ka na nga dyan!" bulyaw niya ulit.
ay, oo nga pala. kaya pala di ako makatulog nung isang gabi... excited kasi eh... at handa na rin. nakapili na ako ng course. napirmahan na yung card. tatapusin ko na lang yung upcat form.
ngunit sa kabila ng lahat ng iyon di ko mapigilan yung pagbugso ng isang mabigat na kalungkutan. hindi ko alam kung bakit. kaya habang nagmumuni-muni, inipon ko na yung mga kailangan - application forms, report card, ballpen, pambayad... at yung sarili ko.
naisip ko bigla, bakit hindi pinayagan ng school na kumuha na lang ng enrollment forms para makapag-enroll ng mag-isa yung anak? nakakainis naman eh. ayoko kasing mag-away kami ng nanay ko sa harap ng mga studyante; mga isang linggo pa lang mula nung nabasa nila inbox ko... at sigurado ako nasa isip pa rin nila yun...
pero wala na akong magagawa. pagkalipas ng kakaunting panahon nasa may likuran na ako ng kotse bitbit yung brown na envelope kung san ko linagay yung mga papel. naramdaman ko na nanginginig ako; hindi sa lamig ng aircon o sa init ng katawan ko, ngunit dahil sa isang bagay na buong umagang bumabagabag sa isip ko.
pagkarating namin doon yung nanay ko pumila kaagad kahit di pa niya alam kung para saan yung nakita niyang pila, na medyo maiksi pa naman. ako kumukuha pa lang ng enrollment form. sinabi ko sa kanya "hindi pa kailangang pumila diyan, di pa po ako nakakapagsimula dito sa enrollment form."
dun nagsimula yung away namin. kasi naman nagmamadali yung mga magulang ko para sa kung anong bagay ba yun, ni hindi man lang niya tinanong para saan yung pila. tama ba naman yun? tapos sinabi ko na lang sa tatay ko "pirmahan niyo na po, para makapunta na po kayo sa meeting niyo."
okey na sana eh, kaso biglang sumingit si nanay, "eh ihahatid ka pa namin sa dentista mo, kaya bilisan mo naman!" kung saan nagulat pati yung tatay ko. kasi ang dala lang naming pera ay yung para sa enrollment. mukhang maraming iniisip si tatay kaya pinabayaan na niya ako kay inay. sana naman walang nakapansin, sa lakas ba naman ng boses namin eh.
ang bilis ko maka-enroll. mga 20 mins. lang siguro, kasama na yung pag-fill up nung mga forms. pabalik na sana ako sa kotse nung naalala kong kailangan pang ibigay yung card sa enrollment committee... kaya bumalik ako sa mesa kung nasaan sila.
"ma'am, eto po yung card ko." sabi ko dun sa katapat ko na teacher.
"yung enrollment slip mo?" tanong niya. hinalungkat ko sa envelope na hawak ko, tapos di sadya, napatingin ako sa bandang kaliwa ko...
katabi ko na pala siya. ang galing naman. may kinakausap yata siyang teacher nun.
"okey na..." sabi nung teacher na nasa harap ko, sabay kalabit sa akin gamit yung enrollment slip na may pirma na niya.
hinarap ko siya ulit. "salamat po ma'am..." at napatingin ulit sa may kaliwa.
andun pa rin siya. pero ngayon, nagkasalubong yata mata namin. oo parang ganun... ang weird nga eh. kaso mga ilang milenyo na rin kaming di nag-uusap nun. ano nangyari? wala. nag-abot lang yung mga mata namin ng sandali. hindi ako nakaimik. sabay talikod, tapos naglakad patungo sa kotse.
nasa may gate na yung kotse nung bigla namang bumanat si ama: "bakit hindi mo tinuro sa amin?"
mabilis kong sinagot: "wala pa po eh. di ko pa nakikita." hay nako. sinungaling. pero naniwala sila.
pagkatapos ko sa dentista at pagkalipas ng dalawang oras, bumalik ulit ako sa paaralan. mas onti na yung tao nun, kasi karamihan nag-enroll na nung umaga. nung naglalakad na ako papunta doon nakasalubong ko ang isang matalik na kaibigan, hindi nga lamang naka-uniform.
"tol di ako pinayagan eh! may gagawin ka ba?" tanong niya sa akin. "palit muna sana tayo ng damit o, sandali lang naman eh!"
syempre, sa bait ko, pano ako tatanggi? tsaka ayoko pa talagang umuwi nun, kahit yung utos sa akin umuwi na raw ako. kaya pagkalabas namin ng cr mga sampung minuto ang nakalipas, aba naman, extreme makeover. siya, suot yung oversized polo ko, yung pantalon ko na bitin sa kanya dahil mas matangkad siya saken, at yung kupas ko nang sapatos. ako, suot yung blue nya na t-shirt, yun pantalon niyang reversible at tila panwalis ng sahig dahil sa haba nun sa akin at sa kaluwagan nito, at yung napakaganda niyang puting sapatos. kamukha ko pa naman yun, sabi nila. edi yan, makaka-enroll na siya. tinulungan ko siya sa mga bagay-bagay, saan hihingi ng ganito, ano kailangang isulat, yung mga simpleng bagay lang.
naglakad kami patungo sa listahan ng mga sections. habang patungo sa direksyon na yun, nakasalubong namin ang isang malaking tropa ng mga studyante. avo-3 pala yun, mga kaklase ko... anong aasahan ko, syempre andun rin siya. di yata ako nakilala sa outfit ko. pero di naman kasi siya ang sadya ko nung mga panahong yun; kaya ako nandun ay para tulungan ang isang kaibigan na mag-enroll.
nag-lunch break yung mga teachers ng 1 pm. linipad yung accomplished nyang upcat form. naapakan ko ng bahagya. kakaulan lang nung panahon na yun. kumuha ako ng eraser ng lapis at binura yung dumi. grabe pala talaga pag desperado na yung tao, lahat gagawin.
eto ngayon yung itsura nung mga papeles nung kaibigan ko. yung enrollment form niya, de-lapis ang sulat, pati pirma. yun namang upcat application form, maraming bura at mali, may onting dumi pa. yung mga pirma ng guardian, syempre naka-forge kasi wala naman siyang kasamang guardian. tapos kailangan pa niyang magpakuha ng 2x2 picture. ang tagal rin niya mag-enroll, pa-star kasi yung mga teachers. pero okey lang. naayos naman.
hindi na niya kailangan yung uniform nun. paglabas namin ulit ng cr balik na ako sa dati.
ang nakakatuwa dyan, enrollment pa lang yan.